Wolverine
Usually may sense of excitement ka sa unang gabi mo sa isang bagong bahay. Excited ka sa kung anong poster ang ididikit mo sa pader ng iyong kuwarto (sana si Wolverine) o kung anong bedsheet ang gagamitin mo sa kama sa unang gabi mo? Pero eto ako, nasa harap ng computer at pilit na binubuo ang pag-iisip na mas buhol-buhol pa kesa sa traffic ng Guadalupe. Kung bibigyan ako ng choice? Baka mas gustuhin ko pang ma-traffic sa Guadalupe dahil at least doon, alam ko luluwag at aandar din ang mga sasakyan. Pero dito sa utak ko, hindi ko alam kung kailan ka-klaro ang lahat. Siguro, nagiguilty lang ako dahil hindi ako nakapagpaalam sa mga kaibigan ko sa Verona. Sa lagay ko ngayon, mukhang hindi na ako makakabalik sa trabaho. Siguro mabuti na rin na bigla akong nawala para hindi na ako masundan ng mga katanungang walang kasagutan.
Pero magsisinungaling ako kung sasabihin ko sa sarili ko na ayos na ang lahat. Alam ko kasing may taong masasaktan o mamamatay - si Matthew. Pilit ko na lang kinukumbinsi ang sarili ko na si Diane at Matthew ay hindi totoo. Na yung babaeng nagpakita sa akin na nagsasabing siya at si Diane ay iisa, e delusyon, depresyon, o baka epekto na ng amoy ng kape na madalas kong nasisinghot sa Verona, caffeine poisoning malamang. Pero hindi e. Kasi makakaya ko sigurong magsinungaling sa sarili ko pero hindi sa blog na ito. Kaya dito, kahit dito man lang ay magpapakatotoo ako at sasabihin ko ang nalalaman ko. Alam ko na may tinatago sa akin si Tatay, tungkol sa pagkatao ko. Alam ko ring totoo si Lia at totoo din si Mateo at totoo ang piraso ng papel na iniwan niya, papel na mayroong address at cellphone number niya. At alam ko na isang tawag lang sa kanya, malalapit na ako sa katotohanan. Pero 'yun ba talaga ang gusto ko? O baka isang bangungot ang naghihintay sa akin. Sana isang gawa gawang kuwento na lang ito. Dahil sino bang magugustuhan na maging totoo ang mga panaginip? Unless siguro, kung sa panaginip mo, ikaw si Wolverine.